Sulong, Bahaghari! Isang Pasasalamat!

🌈Sulong, Bahaghari!🌈
Ginanap noong June 24, 2022 ang online Pride celebration ng UP Diliman na puno ng mensahe ng pakikiisa at mga pagtatanghal para sa Pride. Maraming salamat sa lahat ng nanood at nakiisa noong Byernes at lalong lalo na sa iba’t ibang sektor na nagpahayag ng suporta para sa adbokasya maging sa mga organisasyon at artista ng bayan na nagtanghal. Maraming salamat sa The UP Repertory Company, UP Kontra-GaPi, at UP LIRIKA, Doña Amour, Mrs. Tan, Aries Night, Kieffy, and Ally Nicole!
Pagbati rin sa UP Diliman Office of Anti Sexual Harassment  sa paglulunsad ng OASH Narratives na matatagpuan sa kanilang FB page. Inilunsad din ang bidyo ng mga kaganapan noong nakaraang pagdiriwang ng UP Diliman Women’s Month 2022. Bisitahin ang opisyal na Youtube ng opisina sa https://youtu.be/kfoZUjqNdI8
Patuloy tayong sumulong sa ating mga laban kahit tapos na ang Pride Month. Patuloy tayong manawagan para sa isang lipunang ligtas at malaya para sa lahat ng kasarian at ibang bulnerableng sektor ng lipunan. Manindigan lalo na sa panahong talamak ang disimpormasyon sa loob at labas ng social media.

PAGKILALA AT PAGSULONG SA KASARINLAN!

Ginanap noong June 17, 2022 and AdbokaSerye ng Benilde Center for Social Action na pinamagatang KASARINLAN, talakayan ukol sa kahalagahan ng pagtanggap at pag-intindi sa LGBTQIA++ community. Ang mga tagapagsalita ay sina Mx. HARVEY B. CATI-AN, RPm, Mental Health Coach sa National Youth Commission at Lecturer sa Negros Oriental State University. Naroon rin si Mr. GIANO RAY C. POTES, ang SOGIE & Training Office ng UP Diliman Gender Office. Pagbati sa Benilde Center for Action at maraming salamat sa pagkakataong makapagbahagi ang UPDGO sa inyong Pride Month celebration. Maaaring mapanood muli ang kanilang talakayan sa https://www.facebook.com/centerforsocialaction/videos/793864118272393

Maaari kaming maimbita bilang tagapagsalita sa inyong mga aktibidad sa paaralan, opisina, at iba pa. Mag-email lamang sa updgo@up.edu.ph o magpadala ng mensahe sa aming opisyal na FB page.

Abangan pa ang mga nakalinyang kaganapan ngayong buwan sa https://dgo.upd.edu.ph/sulong-bahaghari-calendar-of-events/
at sa opisyal na FB page ng UPDGO!

SULONG, BAHAGHARI! Online Pride Protest and Celebration

SULONG, BAHAGHARI! Online Pride Protest and Celebration

Mhie! Bhie! Mga accla! Invited ang buong UP Diliman community sa ating online Pride Protest and Celebration sa June 24, 9AM! Isama ang buong opisina, pamilya, mga kaibigan, at tumutok na sa ating FB Live! Abangan ang mga mensahe ng pakikiisa at mga pagtatanghal alay sa makulay na kasaysayan ng paglaban at tagumpay ng LGBTQIA++ community.

Kung nais magtanghal at magsumite ng inyong mga likhang-sining, mag-sign up lamang sa google form na ito: http://forms.gle/UUJqQcYFZAzN2nT28

Makiisa sa Pride ngayong buwan at gamitin ang mga hashtags sa inyong mga posts

SULONG, BAHAGHARI! PARA SA MALAYANG BUKAS UP DILIMAN PRIDE 2022 

SULONG, BAHAGHARI! PARA SA MALAYANG BUKAS
UP DILIMAN PRIDE 2022 

ISANG MAKULAY AT MAPAGPALAYANG BUWAN NG HUNYO!

Kaisa ng buong LGBTQIA++ community ang UP Diliman at UP Diliman Gender Office sa martsa at pagdirirwang ng Pride Month. Ngayong taon, ang tatanganang tema ng UP Diliman para sa Pride Month 2022 ay Sulong Bahaghari para sa Malayang Bukas. Nabuo ang temang ito sa sama-samang pagkukuro-kuro at pag-aaral ng mga kasapi ng UP Diliman GAD Committee. Bitbit ang bahagharing kasaysayan, kwento, at paglaban, magpapatuloy sa pagsulong para sa malayang bukas ang LGBTQIA++ community.

Hanggang sa kasalukuyan, talamak pa rin ang diskriminasyon at pang-aabusong natatamasa ng LGBTQIA++ community sa loob at labas ng unibersidad. Sa ginawang pag-aaral ng UPDGO na ‘SOGIESC Situation in UP Diliman’, ang karaniwang kaso na may kinalaman sa kasarian na nararanasan ng mga mag-aaral, empleyado, at kawani ng UP Diliman ay ang mga sumusunod: pisikal at sekswal na pang-aabuso, voyeurism at bullying online, discriminatory at stigmatizing na mga komento, at deadnaming o misgendering. Ito ay ilan lamang sa mga pang-aabuso at isyung kinakaharap ng komunidad kasabay pa ng pang-ekonomiya at pulitikal na mga suliranin.

Sa panahong lumalakas at dumarami ang banta ng pag-atake sa mga karapatan ng mamamayan, lalong palalakasin ang ating hanay upang mas paigtingin ang boses at kulay ng paglaban para sa makatarungan at maginhawang buhay para sa lahat. Patuloy tayong susulong sa kabila ng hirap na dulot ng pandemya at sa hamon ng bagong administrasyong nasa ngayon ay walang malinaw na planong naihaharap sa taumbayan. Sa kabila ng mga kaganapang walang kasiguraduhan, ang ating mga kwento, karapatan, at pagkilos ang tiyak na sandata natin. Mahirap sumulong ngunit kailangang harapin ang hamon ng kasalukuyan. Mahirap magpatuloy ngunit posible lalo at sama-sama.

Makiisa sa Pride ngayong buwan at gamitin ang mga hashtags sa inyong mga posts

#SulongBahaghari
#EQUALITYNOW
#UPDPRIDE2022
#UPPride
#UPDilimanPRIDE

Maraming salamat sa obrang likha ni Patricia Ramos