Sa pagpasok natin sa Buwan ng Pride ay napaalalahanan tayo kung bakit nagpapatuloy ang pakikibaka para sa pagkakapantay-pantay. Malinaw na HATE CRIMES o krimeng dulot ng pagkamuhi ang sinapit ng dalawa nating kasamahan, at sa karumal-dumal na mga pamamaraang ito’y nasaksihan muli natin ang mga ‘di makataong gawi ng patriyarkiya. Habang nakikidalamhati tayo sa lahat ng kaanak at kaibigan nina Ebeng Mayor at Junjie Bangkiao, hindi natitinag ang ating pagsulong para sa hustisya at sa tuluyang pagwawaksi sa diskriminasyon at karahasan na dinaranas ng komunidad ng LGBTQIA++. Salamin din ang mga pagpaslang na ito sa kasalukuyang pagkakabinbin ng SOGIE Equality Bill sa pamahalaan, at ang mas malawakang sitwasyon ng lipunang patriyarkal kung saan laganap pa rin ang panghahamak nang batay sa kasarian o seksuwalidad sa iba-ibang anyo at pamamaraan.
Kaya naman nagpapatuloy ang Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa pagyabong at pagsulong ng #UPDPride2021 sa tema nitong “SAMA ALL, PANTAY ALL: Sumusulong at Yumayabong ang Pride sa Panahon ng Pandemya”! Maging bahagi ng pakikibaka at pagdiriwang, bilang pakikiisa sa ating minimithiing pagkakapantay-pantay.
Abangan sa mga susunod na araw ang mga aktibidad at programa ng UP Diliman para sa Buwan ng Pride!
MAKIBEKI, HUWAG MASHOKOT!
Illustration by CJ Reynaldo Caldatelier