Ngayong Sabado, Marso 20, 2021 SA ganap na 1:00PM, LIVE sa Facebook page ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin pagchichikahan natin kung ano ang online sexual exploitation of children o OSEC, at kung bakit kinakailangang sama-sama nating protektahan bilang komunidad ang mga bata. Ang paglulungsad-aklat na ito ay maisasakatuparan sa pakikipagtulungan ng UP Diliman Gender Office at National Council of Churches in the Philippines .
Makakasama natin si Prop. Dani Ochoa para magbigay ng punto de bista ng isang sikolohista para sa bata. Si Prop. Portia Padilla naman ang magsasalita tungkol sa halaga ng pagtalakay ng OSEC sa mga guro at bata sa akademya. Samantala, magsasalita si Bb. Arceli Bile ng National Council of Churches in the Philippines hinggil sa pagtindig at pakikiisa ng progresibong simbahan laban sa OSEC. Abangan din ang gagawing pagbasa ni Bb. Sue M. Prado sa kuwentong pambatang “Ang Misteryo ng Patong-patong na Damit ni Hulyan.” Naroon din si Prop. Det Neri bilang manunulat ng nabanggit na akdang pambata. Ang programa ay papadaluyin ni Bb. Jep Gabon at mamimigay ng mga libreng kopya ng aklat!