BUWAN NG WIKA 2022

Nakikiisa ang UPDGO sa Sentro ng Wikang Filipino UP Diliman sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2022 na may temang “Wikang Filipino: Talaytay ng Karapatan, Katotohanan, at Katarungang Panlipunan.”
Makiisa sa mga aktibidad na inihanda ngayong buwan at tuluyang itaguyod ang Wikang Pambansa.
 
Narito ang Kalendaryo ng mga Aktibidad:
1. Linangan 2022: Workshop sa Katutubong Pananaliksik sa Sikolohiya. Apat na araw na palihan sa pananaliksik sa sikolohiya, agham panlipunan, at humanidades. [Ang detalye ay makikita sa FB page ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino]
2. Paghinun-anon: Talakayan sa Wikang Filipino. Mga panayam sa iba’t ibang paksang pangwika. [Ang detalye ay makikita sa FB page ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas]
3. Filipino Ngayon: Mga Isyu at Problema ng Wikang Pambansa. Dalawang araw na seminar na isasagawa para sa mga guro at mag-aaral sa Batangas. [Onsite na gawain na pinamamahalaan ng Batangas Eastern Colleges]
4. Open Talk: Wikang Filipino at Kasaysayan sa Hamon ng Disimpormasyon. Webinar kasama ang PambansangAlagad ng Sining Virgilio S. Almario at Pangulo ng Philippine Historical Association Ma. Luisa T. Camagay. [Ang detalye ay maipababatid sa mga susunod na araw sa FB page ng UPOU Multimedia Center]
5. Lunsaran: Paglulunsad ng mga Publikasyon. Paglulunsad ng mga bagong aklat at isyu ng Daluyang journal ng SWF-UPD sa online na platform na pinondohan ng Opisina ng Tsanselor. [Ipalalabas ito sa FB page ng SWF-UPD]
Bisitahin ang pahina ng Sentro ng Wikang Filipino para sa mga detalye ng rehistrasyon at iba pang impormasyon https://www.facebook.com/swfupdiliman

Changing Landscape: Pagbabago Tungo sa Kaligtasan

TRIGGER WARNING: Sexual Abuse, Suicide

CHANGING LANDSCAPE: PAGBABAGO TUNGO SA KALIGTASAN

Naging matunog ang kontrobersiya tungkol sa ilang insidente ng sexual harassment at abuse sa Philippine High School for the Arts nitong mga nakaraang buwan. Nagsimula ang usap-usapan noong nakaraang taon sa mga grupo ng mga artista sa teatro at pelikula na mga kapwa nagsipagtapos sa PHSA. Kabi-kabilaang mga posts ang lumabas mula sa mga mag-aaral na nagbahagi ng kani-kanilang mga karanasan ng pang-aabuso at ang hindi pagtugon sa kanilang mga hinaing. Umigting pang lalo ang isyu sa pagpanaw ng guro mula sa institusyon na kabilang sa mga inaakusahan ng mga mag-aaral. Mahirap sa mga victim-survivors na lumipas ang mga taon na walang naging malinaw na tugon sa kanilang mga naging reklamo at naging doble pa nang pumanaw ang akusado.

Sa gitna ng ganitong kontrobersiya ng pang-aabuso sa pagitan ng mga mag-aaral, guro, at mga empleyado, paano at saan nga ba titindig ang institusyon sa usapin ng sexual harassment and abuse at iba pang porma ng gender-based violence o GBV? 

Sa Unibersidad ng Pilipinas, sa tulong ng kani-kanilang mga Gender Offices, patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang mapaunlad ang mga serbisyong may layuning wakasan ang iba’t ibang uri ng gender-based violence at harassment. Sa paraang ito, nahihikayat ang buong unibersidad kabilang ang mga mag-aaral, guro, empleyado, at lahat ng kasapi ng komunidad na makibahagi at makiisa upang mapaigting ang mga mekanismo laban sa GBV. 

Sa karanasan ng UP Diliman Gender Office, magiging matagumpay lamang tayo sa layuning wakasan ang GBV at iba pang porma ng pang-aabuso sa mga institusyon gaya ng mga paaralan sa pamamagitan ng pag-uusap at konsultasyon sa lahat ng kasapi ng institusyon.Hinahamon namin ang lahat ng mga paaralan at unibersidad na baguhin ang kultura ng diskriminasyon at pang-aabuso na kahit hindi natin napapansin ay laganap sa ating mga bakuran kung tayo ay hindi gender-responsive. Pakinggan, tugunan, at panagutin ang mga nang-aabuso. Hindi madali para sa isang victim-survivor ang lumabas at ilahad ang kanilang karanasan. Hindi na dapat dumagdag pa sa trauma ang administrasyon ng PHSA sa pagwawalang-bahala sa mga karanasan ng kanilang mga kasalukuyan at dating mga estudyante.

Bukas ang aming opisina, hindi lamang sa PHSA kundi sa lahat ng mga paaralan at unibersidad, para sa malayang talakayan para tuluyang maging ligtas ang ating mga espasyo. Maaari ninyong i-download at basahin ang Protocol for Gender-Based Violence Prevention and Response sa aming website sa https://dgo.upd.edu.ph/up-diliman-protocol-for-gender-based-violence-prevention-and-response/ upang magsilbing gabay para sa pagkakaroon ng mga palisiya at protocol sa pagtugon sa gender-based violence.

#safeschools

#endGBVnow

#SafeSpaces

#PHSA

Sulong, Bahaghari! Isang Pasasalamat!

🌈Sulong, Bahaghari!🌈
Ginanap noong June 24, 2022 ang online Pride celebration ng UP Diliman na puno ng mensahe ng pakikiisa at mga pagtatanghal para sa Pride. Maraming salamat sa lahat ng nanood at nakiisa noong Byernes at lalong lalo na sa iba’t ibang sektor na nagpahayag ng suporta para sa adbokasya maging sa mga organisasyon at artista ng bayan na nagtanghal. Maraming salamat sa The UP Repertory Company, UP Kontra-GaPi, at UP LIRIKA, Doña Amour, Mrs. Tan, Aries Night, Kieffy, and Ally Nicole!
Pagbati rin sa UP Diliman Office of Anti Sexual Harassment  sa paglulunsad ng OASH Narratives na matatagpuan sa kanilang FB page. Inilunsad din ang bidyo ng mga kaganapan noong nakaraang pagdiriwang ng UP Diliman Women’s Month 2022. Bisitahin ang opisyal na Youtube ng opisina sa https://youtu.be/kfoZUjqNdI8
Patuloy tayong sumulong sa ating mga laban kahit tapos na ang Pride Month. Patuloy tayong manawagan para sa isang lipunang ligtas at malaya para sa lahat ng kasarian at ibang bulnerableng sektor ng lipunan. Manindigan lalo na sa panahong talamak ang disimpormasyon sa loob at labas ng social media.

PAGKILALA AT PAGSULONG SA KASARINLAN!

Ginanap noong June 17, 2022 and AdbokaSerye ng Benilde Center for Social Action na pinamagatang KASARINLAN, talakayan ukol sa kahalagahan ng pagtanggap at pag-intindi sa LGBTQIA++ community. Ang mga tagapagsalita ay sina Mx. HARVEY B. CATI-AN, RPm, Mental Health Coach sa National Youth Commission at Lecturer sa Negros Oriental State University. Naroon rin si Mr. GIANO RAY C. POTES, ang SOGIE & Training Office ng UP Diliman Gender Office. Pagbati sa Benilde Center for Action at maraming salamat sa pagkakataong makapagbahagi ang UPDGO sa inyong Pride Month celebration. Maaaring mapanood muli ang kanilang talakayan sa https://www.facebook.com/centerforsocialaction/videos/793864118272393

Maaari kaming maimbita bilang tagapagsalita sa inyong mga aktibidad sa paaralan, opisina, at iba pa. Mag-email lamang sa updgo@up.edu.ph o magpadala ng mensahe sa aming opisyal na FB page.

Abangan pa ang mga nakalinyang kaganapan ngayong buwan sa https://dgo.upd.edu.ph/sulong-bahaghari-calendar-of-events/
at sa opisyal na FB page ng UPDGO!