TRIGGER WARNING: Sexual Abuse, Suicide
CHANGING LANDSCAPE: PAGBABAGO TUNGO SA KALIGTASAN
Naging matunog ang kontrobersiya tungkol sa ilang insidente ng sexual harassment at abuse sa Philippine High School for the Arts nitong mga nakaraang buwan. Nagsimula ang usap-usapan noong nakaraang taon sa mga grupo ng mga artista sa teatro at pelikula na mga kapwa nagsipagtapos sa PHSA. Kabi-kabilaang mga posts ang lumabas mula sa mga mag-aaral na nagbahagi ng kani-kanilang mga karanasan ng pang-aabuso at ang hindi pagtugon sa kanilang mga hinaing. Umigting pang lalo ang isyu sa pagpanaw ng guro mula sa institusyon na kabilang sa mga inaakusahan ng mga mag-aaral. Mahirap sa mga victim-survivors na lumipas ang mga taon na walang naging malinaw na tugon sa kanilang mga naging reklamo at naging doble pa nang pumanaw ang akusado.
Sa gitna ng ganitong kontrobersiya ng pang-aabuso sa pagitan ng mga mag-aaral, guro, at mga empleyado, paano at saan nga ba titindig ang institusyon sa usapin ng sexual harassment and abuse at iba pang porma ng gender-based violence o GBV?
Sa Unibersidad ng Pilipinas, sa tulong ng kani-kanilang mga Gender Offices, patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang mapaunlad ang mga serbisyong may layuning wakasan ang iba’t ibang uri ng gender-based violence at harassment. Sa paraang ito, nahihikayat ang buong unibersidad kabilang ang mga mag-aaral, guro, empleyado, at lahat ng kasapi ng komunidad na makibahagi at makiisa upang mapaigting ang mga mekanismo laban sa GBV.
Sa karanasan ng UP Diliman Gender Office, magiging matagumpay lamang tayo sa layuning wakasan ang GBV at iba pang porma ng pang-aabuso sa mga institusyon gaya ng mga paaralan sa pamamagitan ng pag-uusap at konsultasyon sa lahat ng kasapi ng institusyon.Hinahamon namin ang lahat ng mga paaralan at unibersidad na baguhin ang kultura ng diskriminasyon at pang-aabuso na kahit hindi natin napapansin ay laganap sa ating mga bakuran kung tayo ay hindi gender-responsive. Pakinggan, tugunan, at panagutin ang mga nang-aabuso. Hindi madali para sa isang victim-survivor ang lumabas at ilahad ang kanilang karanasan. Hindi na dapat dumagdag pa sa trauma ang administrasyon ng PHSA sa pagwawalang-bahala sa mga karanasan ng kanilang mga kasalukuyan at dating mga estudyante.
Bukas ang aming opisina, hindi lamang sa PHSA kundi sa lahat ng mga paaralan at unibersidad, para sa malayang talakayan para tuluyang maging ligtas ang ating mga espasyo. Maaari ninyong i-download at basahin ang Protocol for Gender-Based Violence Prevention and Response sa aming website sa https://dgo.upd.edu.ph/up-diliman-protocol-for-gender-based-violence-prevention-and-response/ upang magsilbing gabay para sa pagkakaroon ng mga palisiya at protocol sa pagtugon sa gender-based violence.
#safeschools
#endGBVnow
#SafeSpaces
#PHSA